top of page
Perlas_ng_Silangan.png

Perlas ng Silanganan

      Kabisado ko na ang sasabihin ng Google tungkol sa Pilipinas. Sasabihin nito na ang Pilipinas ay isang arkipelago sa timog silangang Asya na mayroong 7,641 na isla. Ang listahan ng detalyadong impormasyon tungkol sa Pilipinas ay madaling mahanap, ngunit hindi ito tinutukoy kung ano talaga ang Pilipinas para sa mga mamayan nito at kung bakit sila mahalaga. Tayo ang mga Asyano na hindi naman mukhang Asyano, na nakatira sa maliit na mga isla na naiwan lang sa dagat. Pero alam ko ang totoo, maliit man ang bansa natin, ang pagtitiyaga natin ay walang tugma.

     Bata pa lang ako, inspirasyon ko na ang katatagan at tiyaga natin para sa mga minamahal natin sa buhay. Mula sa mga bata na hawak-hawak ang mabibigat na pagkain nila upang may maibalik sa pamilya, hanggang sa mga magulang na ginagabi ng uwi sa kanilang trabaho para may maibigay sa kanilang anak. Madami akong masasabi sa pamilya ko din, at lahat ng ginawa nila para sa mahal nila sa buhay. Ang kaligayahan at pagdiriwang sa ating kagutuman para sa karunungan ang maalala ko hanggang sa paglaki ko.

        Tayong mga Pilipino ay kilala rin sa pagiging magalang at masipag, at ako’y natuwa at nagpasalamat nung nalaman ko ito. Ngunit, sa isip ko ay maliit na bagay lang ang magbigay ng respeto sa nakatatanda sapagkat ang paggalang ay na itanim at itinuro sa atin noong bata pa tayo. Ang pagiging mabuti ay hindi mahirap sa tingin natin, at ito ay batayan sa lahat ng tao sa buong mundo.

        Nagdaan sa paghihirap ang mga Pilipino, tayo’y lumuha, natawa at nagsumikap sa ating mga pinagdaanan. Naligaw man tayo sa ating daan noon, tayo’y muling bumangon at nanatiling tutok sa ating problema. Tiningnan natin ang mga pagkakamali at inayos natin. Hindi tayo sumuko, hindi tayo tumunganga at naghintay na ibang tao ang solusyon sa ating problema.

         Dito namuhay ang ating mga ninuno, dito sila nagsikap at ipinaglaban ang ating bansa. Wala man akong masabi na hindi pa naririnig ng madla, bilang pamana ng aking ninuno, malapit ang bansang ito sa aking puso.

        Gusto ko na ibahagi ang mga sinabi ko sa mga taong magtatanong kung ano ba ang Pilipinas. Dahil dito, sasabihin ko na ang Pilipinas ay ang Perlas ng Silanganan dahil dito nalalagay ng lahat ng tiwala ko. Para sakin, walang kaparehong bansa ang Pilipinas dahil dito ako lumaki at ito ang lupa na una kong tinapakan. Para sa aking bansa, handa na ako para tumayo sa ilalim ng bandila at ngumiti.

Likha ni: Adelle Sison

bottom of page